MANILA, Philippines - Napatay ang 42-anyos na misis na sinasabing mahilig mag-text makaraang pagsasaksakin ng seloso nitong mister sa kanilang bahay sa Barangay Bolhoon, bayan ng San Miguel, Surigao del Sur kamakalawa ng umaga.
Idineklarang patay sa San Miguel Community Hospital ang biktimang si Susanna Demelio Betinol habang sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Gerardo Betinol.
Sa ulat na nakarating kay Caraga PNP spokesman P/Supt. Romaldo Bayting, galing sa bukid ang suspek kung saan uuwi muna para mag-almusal subalit walang nadatnang pagkain dahil ang kanyang misis ay abala sa pagte-text.
Sa pag-aakalang may ka-textmate na ibang lalaki ang kaniyang misis ay sinita niya ito at pilit na pinaamin pero tumanggi ang biktima hanggang sa nauwi sa mainitang pagtatalo.
Gayon pa man, nairita ang suspek at pinagsasaksak ang kanyang misis saka mabilis na tumakas kung saan nagtago sa detachment ng Cafgu sa takot na kuyugin ng mga kapatid at kamag-anak ng kaniyang asawa.
Sumuko naman ang suspek sa himpilan ng pulisya at nahaharap sa kasong parricide.