MANILA, Philippines - Napaslang sa shootout ang isang pinaghihinalaang miyembro ng ‘bomb for hire‘ na sinanay ng Jemaah Islamiyah (JI ) terrorist habang nasakote naman ang kasamahan nito sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar sa Datu Paglas, Maguindanao nitong BiÂyernes ng hapon.
Sa ulat ni Maguindanao Provincial Police Office Director P/Sr Supt. Rodelio Jocson kinilala ang nasawing suspek na si Nadzir Pakasi Mongkas.
Arestado naman ang kasamahan nitong si Rahib Pelandoc Guialudin, gumaÂgamit ng mga alyas na JeÂrome Guialudin at Candao.
Ayon sa opisyal ang dalawang suspek ay pawang kasapi ng bomb for hire gang na nag-ooperate sa Maguindanao kung saan ang nasawing si Mongkas ay sinanay ng JI terrorist sa Pakistan at Afghanistan.
Sinabi ni Jocson, nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na elemento ng pulisya at Phil. Army matapos na makatanggap ng report na magbibiyahe ng mga eksplosibo ang dalawang suspek na dadaan sa Tacurong-North Cotabato highway sa Datu Paglas lulan ng multicab (MEH 338).
Habang padaan sa inilatag na checkpoint ng mga awtoridad ay agad na bumunot ng baril si Mongkas na nagsilbing hudyat ng shootout na siya nitong ikinamatay.
Nasamsam mula sa mga ito ang sari-saring mga Improvised Explosive Device (IED), tatlong homemade cal 50 caliber barret sniper rifles, isang M16 armalite, isang Singaporean made cal 5.56 assault rifle, dalawang cal.45 pistol at isang IED na may battery-operated na blasting device.