4 karnaper tiklo

KAMPO ALEJO SANTOS, Malolos City, Philippines — Apat na pinaghihinalaang notoryus na karnaper ang nasakote ng mga awtoridad ma­tapos na tangkaing ibenta ang dalawang kinarnap na sasakyan sa magkakahiwalay na in­sidente sa Guiguinto at Ma­lolos City kahapon.

Kinilala ang mga nasakoteng suspek na sina Jaypee Lobos, 20, ng Malolos City; Aldrin Ramos, 23; Julius Bryan­ Santos, 23, ng Hagonoy at Norbin Najir, 35, tubong-Marawi at residente ng lungsod ng Malolos.

Ang mga ito ay nasakote matapos na ireklamo sa pulisya ng mga biktimang sina Yuuki Hasama, 19, ng Brgy. Sto. Rosario at Jose Nelson Bartolome; pawang ng Brgy. Sto Rosario, Malolos City na kapwa ninakawan ng motorsiklo ng mga suspek.

Base sa imbestigasyon, sinabi ni Supt. Diosdado Iniego­, dakong alas-6 ng umaga­ ay isinuplong ni Ha­sama na kinarnap  ang kanyang Yamaha Mio Soul (9208-NP) habang nakaparada sa harapan ng kaniyang tahanan at nang hanapin ang naturang sasakyan sa internet ay dito na nakita na naka-post sa www.sulit.com bunsod upang isagawa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto kina Lobos, Ramos at Santos.

Sa isa pang operasyon, nasakote naman si Najir habang ibinebenta ang isang motorsiklong Honda XRM (CI-2028) sa murang halaga sa Brgy. Bulihan, Malolos City na una nang kinarnap nito sa loob ng bahay ni Bartolome.

Show comments