Shootout: Lider ng KFR utas

MANILA, Philippines - Nalansag ng mga ope­ratiba ng Criminal Investigation and Detection Group ang notoryus na kidnap-for -ransom (KFR) gang matapos na mapatay sa shootout ang lider ng grupo habang lima pa ang nasakote sa isinagawang operasyon sa Barangay Ipil, Surigao City, Surigao del Norte kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., ang napatay na suspek na si Dino Patosa, lider ng Patosa Gang ng Giganquit, Surigao del Norte.

Arestado naman ang limang suspek na sina Glober Aleria, 37, ng Maramag, Bukidnon; Gerry Obenita, 27, ng Lianga, Surigao del Sur, kapwa e-Philippine Army; Ronald Brunio, 30, ng Cagayan de Oro City; Julito Beling, 42, ng Claver, Surigao del Norte; at si Norie Apac, 40, ng Malimono, Surigao del Norte.  

Ayon kay Pagdilao, si Patosa na nasugatan sa shootout ay naisugod sa Caraga Regional Hospital subalit idineklarang patay.

Nabatid na pinaputukan ng grupo ni Patosa ang mga operatiba ng Surigao City CIDG sa pamumuno ni P/Senior Inspector Gerson Soliven kaya sumiklab ang bakbakan.

Kasabay nito, nasilat naman ang planong pagdukot ng mga suspek sa isa sa miyembro ng prominenteng pamilya Laurente sa Surigao City.

Narekober naman ang dalawang motorsiklo, granada, dalawang cal. 45 pistol, cal. 5.56 revolver at mga bala.

 

Show comments