Kaso ng `Mpox’ sa Lanao inoobserbahan
COTABATO CITY, Philippines — Isang pasyenteng hinihinalang tinamaan ng monkeypox (Mpox) disease ang kasalukuyang inoobserbahan ng mga manggagamot sa Integrated Provincial Health Office-Lanao del Sur at sa Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang babaeng pasyente na puno ang katawan ng pantal, namumula at pabalik-balik ang lagnat ay residente ng Barangay Masao sa Malabang sa Lanao del Sur. Siya ay nasa isolation facility na ng Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City, ang kabisera ng probinsya.
Bagama’t may sintomas ang pasyente ng monkeypox, inaantabayanan pa ng mga manggagamot na sina Kadil Monera Sinolinding, Jr., health minister ng Bangsamoro region, at Allen Minalang, chief ng IPHO-Lanao del Sur, ang resulta ng pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa City ang kanyang blood samples upang matiyak kung siya ay positibo nga sa naturang sakit.
Pinag-iingat naman ng dalawang health officials ang mga residente ng Lanao del Sur at iba pang mga probinsya sa BARMM laban sa monkeypox dahil sa nasabing kaso. Sila ay nanawagan nitong Lunes sa mga residente ng Bangsamoro region na magpasuri agad kung may lagnat, mga butlig sa katawan, pamamaga ng lymph nodes, o kulani, labis na pagkapagod kahit wala namang serious physical exertions at pananakit ng katawan.
Ayon kay Sinolinding, mas palalawigin pa nila ang kanilang anti-monkeypox operations sa buong autonomous region upang maprotektahan ang mga residente laban sa naturang sakit.
- Latest