Shaw-Rodriguez kinumpleto ang Cinderella run sa BPT Challenge Nuvali
MANILA, Philippines — Inangkin nina Molly Shaw at Toni Rodriguez ng United States ang gold medal ng Volleyball World Beach Pro Tour Challenge Nuvali matapos talunin sina Noa Sonneville at Brecht Piersma ng the Netherlands, 24-22, 17-21, 15-10, sa final round kahapon sa Nuvali Sand Courts sa City of Santa Rosa.
Walang nag-akalang magrereyna ang World No. 105 seed na sina Shaw at Rodriguez sa hanay ng mga players mula sa US delegation.
Pumalo si Rodriguez ng 27 sa kabuuan nilang 41 attack points ni Shaw para sikwatin ang gold at idagdag sa nauna nilang bronze sa BPT Challenge Chennai at silver sa BPT Challenge Haikou.
Tanging sina Sonneville at Piersma ang nakakuha ng set mula sa Shaw-Rodriguez pair sa torneong inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation sa ilalim ni Ramon “Tats” Suzara na presidente rin ng Asian Volleyball Confederation at executive vice president ng world governing body Federation Internationale de Volleyball.
Nauna nang binigo nina Shaw at Rodriguez sina World No. 84 Malgorzata Ciezkowska at Urszula Lunio ng Poland, 21-17, 21-18, habang wagi sina Sonneville at Piersma kina World No. 56 Sandra Ittlinger at Kim Van de Velde ng Germany, 16-21, 21-17, 15-13, sa semifinals.
Sina Ittlinger at Van de Velde ang umangkin sa bronze medal mula sa 21-18, 21-16 pagdaig kina Ciezkowska at Urszula.
- Latest