Eala target ang tiket sa main draw

MANILA, Philippines — Lalabanan ni Pinay pride Alex Eala si Hailey Baptiste ng United States para sa tiket sa main draw ng Eastbourne Lexus Open.
Ito ay matapos walisin ng 20-anyos na si Eaala si Zeynep Sonmez ng Turkey, 6-1, 6-3, sa qualifiers.
Swak ang World No. 77 ranked na si Eala sa second round ng UK tournament qualifiers at nakatakdang sagupain si Baptiste kagabi para sa silya sa main draw.
Naglalaro si Eala sa kanyang ikaapat na grass court tournament ngayong season matapos sa Birmingham Classic, Ilkley Open at Nottingham Open.
Ang torneo ay bahagi ng paghahanda ng Pinay netter para sa kanyang professional Grand Slam tournament sa 2025 Wimbledon Championships sa London.
Bagama’t hindi pa inilalabas ang official draw list para sa Wimbledon ay kasama na ang pangalan ng 20-anyos na si Eala sa entry list na makikita sa official website nito.
Nauna nang tinalo ni Eala si Sonmez, 7-6 (5), 6-4 , sa W60 Nantes sa France noong 2023.
Sa muli nilang pagtutuos ay kinuha ni Eala ang 4-1 abante sa second set, bago nakadikit si Sonmez sa 3-4.
Ngunit tuluyan nang inangkin ni Eala ang sumunod na dalawang laro para tapusin ang laban.
Umiskor din ng panalo sa first round ang World No. 56 na si Baptiste matapos ang 7-5, 6-3 pagtakas kay Yue Yuan ng China.
- Latest