EJ Obiena nagkasya sa 7th sa Sweden

MANILA, Philippines — Inaalat si Asian champion EJ Obiena na bigo na namang makapasok sa Top 3 sa katatapos na Bauhaus-Galan na ginanap sa Stockholm Olympic Stadium sa Sweden.
Nagkasya lamang sa ikapitong puwesto si Obiena matapos magtala ng 5.70 metro sa torneong nilahukan ng matitikas na atleta sa mundo kabilang na si world record holder Mondo Duplantis.
Sinubukan pa ng two-time Olympian na si Obiena ang 5.80m subalit bigo ito sa kanyang tatlong pagtatangka dahilan para magkasya na lamang sa 5.70m.
Gaya ng inaasahan, hindi nagpaawat ang world champion at Paris Olympics gold medalist na si Duplantis na nagtala ng bagong world record.
Mabilis na nalampasan ni Duplatins ang 5.90m na marka gayundin ang 6.0m na distansiya para makuha ang gintong medalya.
Subalit hindi pa ito nakuntento sa kanyang performance.
Winasak nito ang kanyang world record matapos lundagin ang 6.28m para patunayang siya ang hari sa buong mundo sa pole vault.
Mas maganda ito sa 6.27m na naisumite ni Duplantis noong Pebrero sa All Star Perche na ginanap sa Clermont-Ferrand, France.
Naibulsa ni Kurtis Marschall ng Australia ang pilak matapos magrehistro ng 5.90m habang napasakamay ni Menno Vloon ng Netherlands ang tanso sa nailista nitong 5.80m.
Sa kabilang banda, tatlong sunod na torneo nang hindi nakakapasok sa podium si Obiena.
- Latest