Knicks olats uli sa Pacers

NEW YORK— Dalawang panalo pa ang kailangan ng Indiana Pacers para muling makapasok sa NBA Finals sa ikalawang pagkakataon matapos noong taong 2000.
Kumamada si Pascal Siakam ng playoff career-high 39 points para akayin ang Pacers sa 114-109 pagdaig sa Knicks sa Game 2 at kunin ang 2-0 lead sa Eastern Conference finals.
“We have a long way to go and it’s only going to get tougher for us,” wika ni Siakam sa Indiana na nakahugot kay Myles Turner ng 16 points habang tumipa si Tyrese Haliburton ng 14 points, 11 assists at 8 rebounds.
Natalo sila sa Los Angeles Lakers noong 2000 sa kanilang tanging NBA Finals appearance.
Dadalhin ang Game 3 sa Indianapolis bukas.
Kumolekta si Jalen Brunson ng 36 points at 11 assists para sa New York na nagmula sa 135-138 overtime loss sa Game 1.
Nagdagdag sina Mikal Bridges at Karl-Anthony Towns ng tig-20 points para sa Knicks na hangad maging unang koponan sa kasaysayan na nakabangon mula sa isang 0-2 home loss para ipanalo ang conference finals.
“Going into the fourth quarter it’s a tie ballgame. We’ve just got to make better plays, more winning plays,” wika ni New York coach Tom Thibodeau.
Mula sa 81-81 pagkakadikit sa pagtiklop ng third period ay isang 13-4 atake ang ginawa ng Pacers sa pagbubukas ng fourth quarter para kunin ang 94-85 abante sa 9:17 minuto nito.
Ang tirada ni Siakam ang nag-iwan sa Knicks sa 110-100 sa huling 2:45 minuto ng bakbakan.
- Latest