IBF crown iuuwi pa rin ni Taduran sa Pinas

MANILA, Philippines — Habang nagdiriwang si Pinoy world champion Pedro Taduran sa kanyang matagumpay na title defense ay hilung-hilo at bugbog sarado naman si Japanese challenger Ginjiro Shigeoka.
Muling itinaas ni Taduran ang kanyang mga kamay at ang International Boxing Federation (IBF) mini flyweight belt matapos ang isang split decision win kay Shigeoka sa kanilang rematch kahapon sa INTEX Osaka sa Japan.
Ilang minuto matapos ihayag ang panalo ni Taduran ay kumulapso si Shigeoka na kaagad isinakay sa stretcher ng kanyang mga team members para mabigyan ng medical attention.
Walang awa kasing nirapido ng tubong Libon, Albay ang dating Japanese IBF title-holder sa kabuuan ng kanilang 12-round championship fight.
Ang pagiging agresibo ang nagbigay kay Taduran ng mahahalagang puntos mula kina judges Gil Co ng Pilipinas at Dave Braskow ng United States para mapanatili ang hawak na korona.
Kumolekta ang 28-anyos na si Taduran (18-4-1, 13 knockouts) ng magkaparehong 115-113 points mula kina Co at Braskow, habang nakakuha ang 25-anyos na si Shigeoka (11-1-1, 9 KOs) ng 118-110 points kay Japanese judge Katsuhiko Nakamura.
Nauna nang tinalo ni Taduran si Shigeoka via ninth-round TKO win para agawin ang tangan nitong IBF crown noong Hulyo ng nakaraang taon.
- Latest