EAC pinasuko ng San Beda
MANILA, Philippines — Pasiklab ang San Beda University nang kalusin nila ang Emilio Aguinaldo College, 25-16, 26-24, 25-17, NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa San Andres Gym sa Manila, kahapon.
Namuno sa opensa para sa San Beda si Angel Mae Habacon na kinana ang 17 points mula sa 13 attacks at tig-dalawang blocks at service aces.
Bumakas si Janelle Bachar ng 14 markers habang pito ang tinipa ni Reyann Canete para sa San Beda na sinakmal ang 3-14 karta, may isang laro pa silang natitira ngayong season bago mamaalam.
Nasa ilalim ng team standings ang Lady Red Spikers, puwede pang umangat sakaling manalo sa University of Perpetual Help System DALTA sa Miyerkules ng alas-2:30 ng hapon.
Nawalang saysay naman ang 15 markers (14 kills, 1 service ace) ni Elizza Mae Alimen dahil nalasap ng Lady Generals ang pang 13 talo sa 17 salang.
Samantala, ganado pa rin na naglaro si Joan Doguna kahit wala na silang pag-asang pumalo ng bola sa semifinals matapos akbayan ang Lyceum of the Philippines University sa panalo kontra San Sebastian College - Recoletos, 23-25, 25-22, 25-22, 25-15 sa unang laro.
Kumana si Doguna ng 17 attack points para tulungan ang Lady Pirates na ilista ang 8-8 karta at upuan ang pang anim sa team standings.
- Latest