Lady Cardinals matatag na sa No. 3 spot
MANILA, Philippines — Tumibay ang kapit ng Mapua University sa No. 3 spot matapos nilang kayurin sa tatlong sets ang San Sebastian College-Recoletos, 25-16, 25-16, 25-21 sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan, kahapon.
Pinamunuan ni Freighanne Seanelle Garcia ang opensa para sa Lady Cardinals na pinalo ang four-game winning streak para sa 11-5 record.
Kumana si Garcia ng nagliliyab na 21 points mula sa 17 kills at tig-dalawang blocks at service aces habang ang nahirang na Best Player of the Game na si Raissa Janel Ricablanca ay nilista ang 14 attack points.
May dalawang laro pa ang natitira sa Lady Cardinals, krusyal ito dahil may tsansa pa sila sa twice-to-beat advantage na ibibigay sa top two teams pagkatapos ng 10-player double round robin eliminations.
Solo sa tuktok ang Lady Knights tangan ang 13-2 record habang nasa pangalawang puwesto ang defending champion College of Saint Benilde na may 12-2 baraha.
Samantala, nagwagi ang Jose Rizal sa San Beda, 25-19, 25-22, 25-21 sa unang laro.
- Latest