Mapua ibibida si Garcia kontra Baste
MANILA, Philippines — Ipaparada ng Mapua University ang pangunahing sandata nila sa opensa na si Freighanne Seanelle Garcia upang masikwat ang panalo sa San Sebastian College-Recoletos at mapalapit sa tuktok ng team standings ng NCAA Season 100 women’s volleyball tournament.
Humarurot ang opensa ni Garcia nang kalusin ng Mapua ang JRU sa huli nilang laro at lista ang 10-5 karta para sa solo third place.
Kaya asahang muling huhugot ng puwersa ang Mapua kay Garcia sa pagharap nila sa Lady Stags ngayong alas-2:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan, pagkatapos ng bakbakan ng San Beda at Jose Rizal sa alas-11 ng umaga.
Bukod sa pagpapalakas ng kapit sa magic four, nais din ng Lady Cardinals na makakuha ng twice-to-beat incentives sa semifinals.
At dahil 13-2 ang nasa unahan na Letran at 12-2 ang karta ng No. 2 na defending champion College of Saint Benilde ay asahang itotodo ng Mapua ang kanilang laro para mas makalapit ng todo sa top two teams na nabanggit.
Makakatuwang ni Garcia sina Raissa Janel Ricablanca, Gregchelle Grace Cabadin, Therese Ila para makuha ng Mapua ang panalo.
- Latest