Fan Favorite award igagawad kay Deanna Wong

MANILA, Philippines — Walang duda na si Choco Mucho playmaker Deanna Wong ang isa sa pinaka-popular na volleyball player sa bansa na may libu-libong fans hindi lamang sa Pilipinas maging sa ibang bansa.
Kaya naman hindi na kataka-taka na makuha nito ang Fan Favorite award sa kauna-unahang Pilipinas Live PVL Press Corps Awards Night na gaganapin sa Mayo 28 sa Novotel sa Quezon City.
Nakalikom si Wong ng 24,000 reactions sa PVL Press Corps Facebook page — malayo sa mga kapwa nitong kandidato para sa award.
Tinalo ni Wong sa botohan si Jema Galanza (12,000), Alyssa Valdez (10,000) at Bea De Leon (6,400).
Isa si Wong sa may pinakamaraming followers sa social media kung saan mayroon itong 866,000 followers sa Facebook, 1.4 million followers sa Instagram at 2.4 million followers sa TikTok.
Pinagbotohan din ang Pilipinas Live Game of the Year kung saan nanalo ang bakbakan ng PLDT at Choco Mucho sa PVL All-Filipino Conference quarterfinals Game 2.
Nanalo sa naturang laro ang Flying Titans sa bendisyon ng makapigil-hiningang 25-15, 12-25, 25-23, 21-25, 15-13 desisyon para makuha ang semis spot noong Marso 20 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagtapat sa naturang laban sina Choco Mucho ace spiker Sisi Rondina at High Speed Hitters outside hitter Savi Davison kung saan nakakuha ito ng 3,100 Facebook reactions.
Tinalo nito ang laban ng Creamline at Cignal sa 2024 PVL Invitational Conference Final (1,200) gayundin ang bakbakan ng Petro Gazz at Cool Smashers sa 2024-25 AFC Finals Game 3, at ang pasabog ni Russian Marina Tushova na 50-point showing sa laro ng Capital1 at HD Spikers sa 2024 Reinforced Conference.
- Latest