Dyip kinalawang sa Beermen

MANILA, Philippines — Nilasing ng San Miguel ang Terrafirma, 128-89, para sa kanilang ikalawang sunod na panalo sa Season 49 PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Montalban, Rizal.
Umiskor sina CJ Perez at Moala Tautuaa ng tig-17 points habang humakot si forward Rodney Brondial ng 16 points at career-high 22 rebounds para sa SMC franchise.
Pinaganda ng Beermen ang kanilang record sa 5-2 para dumikit sa isa sa walong quarterfinal berth kung saan ang top four teams ay bibigyan ng ‘twice-to-beat’ incentive.
“I give credit sa mga teammates ko,especially kay Chris Ross na lagi akong kinakausap,” sabi ni Brondial. “Sinusunod ko lang naman iyong sistema ni coach Leo (Austria).”
“Kung ano iyong mga nangyayari sa loob, bunga lang din ng preparation namin at iyong mga pinapagawa ng mga coaches namin, especially si coach Leo,” dagdag nito.
Tumapos si eight-time PBA MVP June Mar Fajardo na may 12 points para sa tropa ni Austria na nakahugot din ng 12 markers kay Don Trollano.
Lagapak ang Dyip sa kanilang pang-pitong sunod na kamalasan para sa 1-7 baraha at opisyal nang mamaalam sa kanilang tsansa sa quarterfinals.
Kaagad nagpakita ng puwersa ang San Miguel sa pagtatala ng 24-9 abante sa first quarter patungo sa 53-37 halftime lead sa Terrafirma.
Lalo pang lumobo ang kalamangan ng Beermen sa 79-50 sa 4:59 minuto ng third period mula sa salaksak ni Perez.
Tuluyan nang nabaon ang Dyip sa 32-point deficit, 61-93, sa huling 1:01 minuto ng nasabing yugto matapos ang drive ni Trollano at hindi na nakabangon sa fourth quarter.
Pinangunahan ni guard Mark Nonoy ang Terrafirma sa kanyang game-high na 24 points habang may 17 at 10 markers sina Stanley Pringle at Louie Sangalang, ayon sa pagkakasunod.
- Latest