Lady Altas sinuwag ang tiket sa Final Four
MANILA, Philippines — Lumiyab ang opensa ni Shaila Allaine Omipon para akbayan ang University of Perpetual Help System DALTA sa 25-23, 28-30, 25-16, 25-21 panalo sa San Sebastian College-Recoletos sa NCAA Season 100 women’s volleyball kahapon sa EAC Gym.
Bumira si Omipon ng 23 points mula sa 21 attacks at dalawang service aces upang tulungan ang Lady Altas na isampa sa Final Four tangan ang 9-5 karta.
Bukod sa Final Four, may tsansa pa ang Perpetual sa ‘twice-to-beat’ incentive na ibibigay sa top two teams pagkatapos ng double round robin eliminations.
Nakipagtulungan si Omipon kina Winnie Bedana, Geraldine Rae Palacio at Camille Bustamante.
Inilista ni Palacio ang 15 markers, habang may 14 at 13 markers sina Bedana at Bustamante, ayon sa pagkakasunod.
Tumikada si Juna May Gonzales ng 21 points para sa SSC-R (7-8).
- Latest