Wahhi sa Stage 6; Joo nadikitan

LINGAYEN, Pangasinan, Philippines — Bagama’t may mahapding sugat sa kanang binti bukod sa matinding sikat ng araw ay nagwagi pa rin si Muhammad Zahin Wahhi ng Malaysia Pro Cycling.
Nagsumite ang 26-anyos na si Wahhi ng tiyempong tatlong oras, 31 minuto at 12 segundo para pamunuan ang 168.19-kilometer Stage 6 ng 2025 MPTC Tour of Luzon na nagsimula sa Filinvest Mimosa Acacia Drive sa Clark, Pampanga at nagtapos dito sa Pangasinan Provincial Capitol kahapon.
“I tried to get away from the peloton and made my way to the lead pack and in the last 400 meters I sprint,” wika ng Malaysian top sprinter sa pag-iwan kina Mervin Corpuz ng MPT Drivehub at Rench Michael Bondoc ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines na naglista rin ng parehong mga oras sa finish line.
Nauna nang sumemplang ang 5-foot-11 na si Wahhi sa Stage 3 na nagresulta sa kanyang mga sugat sa kanang binti.
Susubukan muli ni Wahhi na manalo sa pagpapakawala sa 15.14-km individual time trial Labrador-Lingayen Stage 7 ngayong umaga.
“I will try to win again. I will do my best,” wika ng 2024 Malaysian national champion.
Nagsimula namang mabawasan ang distansya ni Joo Dae Yeong ng Gapyeong Cycling Team sa individual general classification.
Pumorsiyento si Joo ng 17:41:34 kasunod sina Corpuz (-0:01:56), Jeremy Lizardo (-0:02:22) ng Standard Insurance Philippines, Jonel Carcueva (-0:02:27) ng MPT Drivehub at Jan Paul Morales (-0:02:41) ng Standard Insurance Philippines.
Dinoble ni MPTC chairman Manny V. Pangilinan ng MVP Group ang naunang premyong P500,000 sa P1 milyon para sa magiging individual champion.
Ang second-placer ay magbubulsang P500,000 mula sa dating ?400,000 at ang third-placer ay tataggap ng ?350,000 mula sa naunang ?300,000.
Samantala, nasa unahan pa rin ang Standard Insurance Philippines sa team general classification sa kanilang 71:01:14 sa itaas ng MPT Drivehub (-0:00:32), Go for Gold (-0:00:55), 7-Eleven (-0:01:52) at Victoria Sorts Pro Cycling Team (-0:03:19).
Ang hihiranging team champion ay tatanggap ng P1 milyong premyo.
- Latest