Converge, Rain or Shine magbabasagan

MANILA, Philippines — Isang koponan lang ang mapapalawig ang kanilang maalab na winning streak sa pagtutuos ng Rain or Shine at Converge sa umiinit na 2025 PBA Philippine Cup ngayon sa PhilSports Arena sa Pasig.
Magtatagisan ang Elasto Painters (2-1) at FiberXers (3-2) sa alas-5 ng hapon bago ang sagupaan ng NorthPort (1-2) at Barangay Ginebra (1-1) sa alas-7:30 ng gabi.
Parehong nakasakay sa dalawang sunod na panalo ang RoS at Converge subalit isa lang ang makakasikwat ng ikatlong dikit upang makaangat pa lalo sa 12-team standings papasok sa kalagitnaan ng eliminations.
Wala pang kasiguruhan kung makakabalik na sa kampo ng mga bataan ni coach Yeng Guiao sina Beau Belga, Caelan Tiongson at Keith Datu kaya aminadong underdog pa rin sa higanteng Converge.
Ito ay kahit pa wagi ang Elasto Painters sa quarterfinals matchup nila ng FiberXers noong nakaraang Commissioner’s Cup, 2-1.
“Mahirap talunin ang Converge na wala kang big man. Alam natin ang threat nila talaga ‘yung twin towers nila. So, if you don’t have any matchup for that they’ll just keep punishing you close to the basket or the low post,” pahayag ni Guiao matapos ang bigating 128-116 panalo kontra sa reigning champion na Meralco.
Sasandal si Guiao sa makukulit niyang guwardiya na sina Adrian Nocum, Jhonard Clarito, Anton Asistio, Gian Mamuyac at Felix Lemetti-Pangilinan kasama si Santi Santillan habang bida sa twin towers ng Converge sina Justin Arana at No. 1 overall pick Justin Baltazar matapos kaldagin ang back-to-back champion na Talk ‘N Text, 100-94.
Humakot ng 22 puntos at 11 rebounds si Arana habang tumabo ng 21 puntos at 12 rebounds si Baltazar.
Sakabila nito, ayaw magpakampante ng Converge kontra sa kulang-kulang na RoS na halos hindi ininda ang kawalan ng ibang manlalaro sa pagsilat sa kampeon na Meralco.
- Latest