Tour of Luzon: ‘Great revival’ Stage 3 niratrat ni Cajucom

SAN JUAN, La Union — Hindi na niya itinuloy ang kanyang pag-aaral para maging isang full-time cyclist.
Hindi pinagsisihan ni Ean Cajucom ng Victoria Sports Cycling Team ang kanyang naging desisyon na nagresulta sa panalo niya sa 135-kilometer Stage 3 ng 2025 MPTC Tour of Luzon na pinakawalan sa Capitol Quezon Avenue sa Vigan, Ilocos Sur at nagtapos dito sa San Juan Municipal Hall kahapon.
Niratrat ng 22-anyos na si Cajucom ang tiyempong dalawang oras, 51 minuto at 42 segundo para kunin ang una niyang stage win na may premyong P10,000 sa eight-stage race na inihahandog ng DuckWorld PH at Cignal katuwang ang Pilipinas Live, Meralco, Maynilad, Metro Pacific Health, Megaworld, Landco, PLDT at Smart.
“Nagkaroon ng break, tapos nandoon iyong tao namin at nagkaroon ako ng tsansa,” ani Cajucom na inungusan sa finish line sina Ahmad Syazrin Awang Ilah ng Malaysia Pro Cycling Team at Poul Aquino ng Dreyna Orion Cement sa magkakatulad nilang oras.
Nauna nang kumaripas sina Jeremy Lizardo (Standard Insurance), Daryl Dulatre at Wenz Desabelle (Exodus Army), Daniel Cariño (Victoria), Jaypee Olarte (Go for Gold), Junreck Carcueva (MPT Drivehub Cycling Team), John Lloyd Cuenca (Dandex T-Prime) at Mar Francis Sudario (Excellent Noodles) mula sa peloton papasok ng Candon City para makalayo ng dalawa at kalahating minuto.
Ngunit sa huling 200 metro ng karera ay humulagpos ang grupo ni Cajucom patungo sa finish line.
May parehong oras rin sina Stage 1 winner Joo Dae Yeong ng Gapyeong Cycling Team, Ronald Oranza ng Standard Insurance Philippines at Aidan James Mendoza ng Go For Gold.
Nagsumite ang 29-anyos na South Korean rider ng accumulated time na 7:04:27 para mamuno sa individual classification kasunod si Oranza na apat na minuto at 32 segundo ang agwat at Mendoza na apat na minuto at 40 segundo ang distansya.
Patuloy na isusuot ni Joo ang yellow jersey sa pagpadyak ng 168.76-km Stage 4 ngayong umaga na magsisimula sa Eagle of the North sa Agoo, La Union at magtatapos sa Filinvest Mimosa Acacia Drive sa Clark, Pampanga.
“Depende pa rin dahil ang gumagawa naman po ng plano namin ay ang sports director namin,” wika ni Cajucom sa kanilang gagawin sa Stage 4 sa event na suportado ng Cardinal Santos Medical Center, Go21, Dongfeng, Victory Liner, DOOH, PSSLAI, Unilab, Huawei, Toyota, Microtel by Wyndham, Gatorade, Drivehub at Homestretch.
- Latest