Lady Stags nagpalakas sa semis
MANILA, Philippines — Umarangkada sa opensa si Juna May Gonzales upang akayin ang San Sebastian College-Recoletos sa 25-21, 18-25, 25-17, 25-23 panalo kontra Arellano University sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil Arena sa San Juan kahapon.
Lumiyab sa opensa si Gonzales matapos ilista ang 22 points mula sa 20 attacks at tig-isang block at service ace upang tulungan ang Lady Stags na ilista ang 6-4 karta at saluhan ang biniktimang Lady Chiefs sa No. 5 sa team standings.
Dahil sa panalo ay nananatiling malakas ang tsansa ng San Sebastian College na umusad sa susunod na phase lalo na at hindi kalayuan ang karta ng ibang teams na kanilang hinahabol.
Agawan sa tuktok ang defending champion College of Saint Benilde at Letran, hawak ang tig-8-2 records habang magkasalo sa No. 3 ang University of Perpetual Help System Dalta at Mapua Univeristy na may tig-7-3 baraha.
Umiskor rin sina Katherine Santos at Christina Marasigan ng tig-17 markers para sa SSC-R habang 13 ang inambag ni Kristine Joy Dionisio.
Samantala, kinahon ng Lyceum of the Philippines University ang mahirap na 25-14, 22-25, 25-22, 17-25, 15-10 five sets win laban sa Jose Rizal University sa ikalawang laro.
Pinamunuan ni Johna Denise Dolorito ang opensa para sa Intramuros-based squad upang ilista ang 5-6 karta at lumapit sa inaasam na Final Four.
- Latest