BSCP suspendido ng Asian body
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Asian Confederation of Billiard Sport (ACBS) ang membership ng Billiard Sports Confederation of the Phi-lippines (BSCP) matapos ang ilang paglabag sa patakaran.
Habang suspendido ang BSCP, itinalaga ng ACBS ang Philippine Olympic Committee (POC) upang pansamantalang hawakan ang mga atleta nito sa loob ng tatlong buwan.
Natanggap ng POC ang sulat noong Marso 9 galing kay Michael Al Khoury na secretary-general ng Qatar-based ACBS.
Nakasaad sa sulat na nagdesisyon ang board of directors ng ACBS sa ginanap na meeting noong Pebrero 18 sa Doha para suspendihin ang BSCP.
Inaprubahan ito ng ACBS sa general meeting noong Pebrero 19.
Inatasan ng ASBC ang POC na bumuo ng disciplinary committee para imbestigahan ang mga paglabag ng BSCP.
Kabilang na rito ang ‘conflicts of interest’ gayundin ang kabiguang makapagsagawa ng eleksiyon sa mahabang panahon.
Binanggit din ang pagdaraos ng international tournaments na walang pahintulot ng Asian o world governing body gayundin ang kabiguan na pangalagaan ang mga Pinoy billiards athletes.
Ipinaalam na ng POC ang suspensiyon ng BSCP sa Philippine Sports Commission (PSC).
“With this decision, the POC shall temporarily assume the tasks of the BSCP, including the supervision of arrangements and entitlements for national athletes under Billiard Sports, during the period of suspension,” ani POC secretary general Wharton Chan sa sulat nito kay PSC chairman Richard Bachmann.
Nais ng ACBS na mabilis itong maaksiyunan sa loob ng tatlong buwan upang maresolba agad ang problema.
- Latest