Quiambao nagpasiklab agad sa KBL return
MANILA, Philippines — Magarbo ang pagbabalik ni Kevin Quiambao sa Korean Basketball League (KBL) matapos ang Gilas Pilipinas stint nito sa FIBA Asia Cup Qualifiers final window.
Nagpasabog ang Pinoy cager ng 12 puntos, 18 assists at walong rebounds upang tulungan ang Goyang Sono Skygunners na makuha ang 95-85 panalo laban sa Busan KCC Egis sa labang ginanap sa Busan Sajik Gymnasium.
Dahil sa panalo, umangat ang Skygunners sa 13-26 rekord.
Nakabalik na si Quiambao sa South Korea matapos makasama ang Gilas Pilipinas sa kampanya nito sa Doha International Cup sa Qatar at sa dalawang laban nito sa FIBA Asia Cup Qualifiers final window.
Umani ang Gilas Pilipinas ng 91-84 kabiguan kontra sa Chinese-Taipei sa kanilang unang laro sa Taipei, Taiwan kasunod ang 87-70 pagyuko sa New Zealand sa Auckland, New Zealand.
Bihirang magamit si Quiambao sa Gilas Pilipinas subalit marami itong natutunan lalo pa’t hawak ang tropa ni veteran coach Tim Cone.
Inaasahang si Quiambao din ang isa sa mangunguna sa Gilas Pilipinas sa mga darating na panahon kasama ang mga kapwa bagito nitong sina Kai Sotto, AJ Edu, Carl Tamayo at Mason Amos.
Sa kabilang banda, nanaig ang tropa ni JD Cagulagan na Suwon KT SonicBoom laban sa Anyang Jung Kwan Jang Red Boosters sa iskor na 63-56 sa Anyang Gymnasium.
May 17 minuto lamang naglaro si Cagulangan kung saan nagtala ito ng apat na puntos, limang assists at dalawang rebounds.
Umangat sa 22-17 ang Sonicboom.
- Latest