Doncic nagpasiklab sa panalo ng Lakers sa Nuggets
DENVER - Bumanat si Luka Doncic ng 32 points para banderahan ang Los Angeles Lakers sa 123-100 paggupo sa Nuggets.
Nag-ambag si LeBron James ng 25 points para sa Los Angeles (34-21) habang may 23 at 21 markers sina Austin Reaves at Rui Hachimura, ayon sa pagkakasunod.
Nagwakas ang nine-game winning streak ng Denver (37-20) na nakakuha kay Nikola Jokic ng 12 points, 13 rebounds at 10 assists para sa kanyang ika-26 triple-double sa season.
Umiskor si Doncic ng 19 points sa halftime para ibigay sa Lakers ang 63-54 bentahe patungo sa pagtatayo ng isang 19-point lead sa fourth quarter patungo sa kanilang panalo.
Pinamunuan ni Aaron Gordon ang Nuggets sa kanyang 24 points at may 19 markers si Jamal Murray.
Sa Chicago, nagtala si Devin Booker ng 29 points kasunod ang 27 markers ni Kevin Durant at may 25 points si Bradley Beal sa 121-117 paglitson ng Phoenix Suns (27-29) sa Bulls (22-35)
Sa Philadelphia, isinalpak ni Nic Claxton ang isang game-winning basket sa 105-103 paglusot ng Brooklyn Nets (21-35) sa 76ers (20-36).
Sa Salt Lake City, nagbagsak si Keyonte George ng 30 points at humakot si Lauri Markkanen ng 23 points at 10 rebounds sa 124-115 pagdaig ng Utah Jazz (14-42) sa Houston Rockets (35-22).
- Latest