Creamline lalapit sa top spot; PLDT gustong sumosyo sa third place
MANILA, Philippines — Lalapit ang nagdedepensang Creamline sa No. 1 spot sa knockout phase ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Makakatapat ng Cool Smashers ang PLDT High Speed Hitters ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang duwelo ng mainit na Petro Gazz Angels at Galeries Tower Highrisers sa alas-4 ng hapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Solo ng Creamline ang liderato sa kanilang 9-0 kartada sa itaas ng Petro Gazz (8-1), Cignal HD (7-3), Choco Mucho (7-3), PLDT (6-3), Akari (5-5), Chery Tiggo (5-5), ZUS Coffee (4-6), Farm Fresh (4-6), Galeries Tower (1-8), Nxled (1-9) at Capital1 Solar Energy (1-9).
Sa tournament format, sasagupain ng top teams ang mga lower ranked squads sa knockout round.
Ang anim na mananalo ang sasampa sa quarterfinals, habang ang dalawang tiket ay pag-aagawan ng mga matatalo sa isang play-in tournament.
“Titingnan muna ulit namin kung ano ‘yung ibibigay ng scouting report, kung sinong babantayan. Pero knowing PLDT, contender din talaga sila ngayon,” ani Cool Smashers coach Sherwin Meneses sa High Speed Hitters.
- Latest