Choco Mucho muntik masilat sa Nxled

MANILA, Philippines — Muntik pang mabalewala ang four-game winning streak ng Flying Titans.
Mabuti na lamang at nariyan si ‘magic bunot’ Royce Tubino.
Humataw si Tubino ng mahahalagang puntos sa fourth set para tulungan ang Choco Mucho na makatakas sa Nxled, 25-21, 23-25, 21-25, 25-23, 15-10, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Tumapos si Tubino na may pitong puntos, habang pumalo si Sisi Rondina ng 23 points mula sa 21 attacks, isang block at isang service ace para sa 7-3 record ng Flying Titans.
“Si Royce maraming tulong na naibigay sa amin,” wika ni coach Dante Alinsunurin kay Tubino. “Sobrang thankful pa rin ako at ibinigay itong panalo sa amin.”
Sumandal si Alinsunurin kay Tubino nang maiwanan sila sa 16-20 sa fourth set.
Magkasunod na puntos ang hinataw ng veteran outside hitter para sa kanilang 25-23 panalo at makatabla sa 2-2.
Sa fourth frame ay nakipagtulungan si Tubino kina Rondina, Isa Molde at Maika Ortiz para biguin ang hangad na back-to-back wins ng Chameleons na nahulog sa 1-9 baraha.
Nag-ambag si Molde ng 12 markers para sa Choco Mucho at may tig-siyam na puntos sina Dindin Manabat at Ortiz.
Nagtala si setter Deanna Wong ng 12 excellents sets para sa kanilang opensa.
Humataw si EJ Laure ng 20 points para sa Nxled.
- Latest