Solomon, Belen muling babandera sa NU sa UAAP Season 87
MANILA, Philippines — Tiyak na ipaparada ng defending champions National University si Season 86 Finals MVP Alyssa Solomon sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na hahataw bukas sa MOA Arena sa Pasay City.
Sisikapin ng Lady Bulldogs na sakmalin ang back-to-back titles matapos nilang mabigo noong Season 85 kontra sa De La Salle University Lady Spikers.
Noong nakaraang taon ay nilapa ng NU sa Finals ang University of Santo Tomas, 2-0, sa kanilang best-of-three series sa ilalim ni coach Norman Miguel.
Ngayon ay si multi-titlist tactician Sherwin Meneses na ang magtitimon sa powerhouse squad na Lady Bulldogs.
At dahil beterano na ang 6-foot-2 at two-time Best Opposite Hitter na si Solomon ay inaasahang madali itong makukuha ang sistema ni Meneses na siyang gumagabay sa Creamline Cool Smashers sa PVL.
Inamin ng 23-anyos na si Solomon na nakuha na nila ang sistemang pinapatakbo ni Meneses at pinag-aaralan pa rin nito ng mabuti para magamit pagsimula ng kanilang laro sa Linggo kontra sa Lady Spikers.
Makakasama ni Solomon sina two-time MVP Mhicaela “Bella” Belen, Vange Alinsug, ace playmaker Lams Lamina, Erin Pangilinan, Sheena Toring, Shaira Jardio, Arah Panique, Minerva Maaya at rookies Celine Marsh, IC Cepada at Rashel Bajamonde.
Samantala, maghaharap sa opening day ang University of the East at University of the Philippines sa ala-una ng hapon sunod ang bakbakan sa pagitan ng UST at Far Eastern University sa alas-3 ng hapon.
- Latest