Quiambao mainit sa KBL
MANILA, Philippines — Mainit pa rin ang palad ni UAAP two-time Most Valuable Player Kevin Quiambao matapos bumanat ng 26 puntos sa Korean Basketball League (KBL).
Inilabas ni Quiambao ang mala-MVP performance nito matapos magpasabog ng anim na three-points habang humatak ito ng 18 rebounds, tatlong assists at isang steal.
Subalit hindi pa rin ito sapat para dalhin sa panalo ang Goyang Sono Skygunners na yumuko sa Seoul Samsung Thunders sa iskor na 63-77 sa larong ginanap sa Jamsil Indoor Gymnasium.
Matikas ang inilalaro ni Quiambao na nagtala ng career-high 36 points sa kanilang 86-82 panalo laban sa Wonju DB Promy noong nakaraang linggo.
Nakalugmok ang Skygunners sa ilalim ng standings tangan ang 11-25 rekord.
Naramdaman ang lakas ni dating College of Saint Benilde standout Justin Gutang na nagsumite ng 10 puntos, siyam na assists, apat na rebounds at tatlong steals para sa Daegu na sumulong sa 20-16 karta.
Umangat sa 12-24 ang Thunders.
Sa kabilang banda, wagi ang tropa ni SJ Belangel na Daegu KOGAS Pegasus kontra sa Ulsan Hyundai Mobis Phoebus sa iskor na 94-85 sa larong ginanap naman sa Ulsan Dongcheon Gymnasium.
Nagtala lamang ng dalawang puntos at dalawang assists si Migs Oczon para sa Ulsan.
- Latest