James, Lakers pinabagsak ang Warriors

LOS ANGELES - Kumamada si LeBron James ng 42 points, 17 rebounds at 8 assists para banderahan ang Lakers sa 120-112 pagpapatumba sa Golden State Warriors.
Nagdagdag si Austin Reaves ng 23 points at kumonekta si Gabe Vincent ng limang three-point shots para sa ikaapat na sunod na ratsada ng Los Angeles (30-19).
Hindi pa rin naglalaro si star guard Luka Doncic matapos ang trade sa Dallas Mavericks kapalit ni Anthony Davis ngunit kasama siya sa bench.
Umiskor si Stephen Curry ng 37 points para sa Golden State (25-26).
Bumanat si James ng 18 points sa second quarter kung saan kumawala ang Lakers para itayo ang isang 26-point lead.
Sa likod ni Curry ay nakadikit ang Warriors sa 104-109 sa 3:40 minuto ng fourth quarter.
Ngunit isinalpak ni James ang kanyang ikaanim na 3-pointer sa huling 1:08 minuto para muling ilayo ang LA sa 112-104.
Sumama si Jimmy Butler sa biyahe ng Golden State matapos ang trade sa Miami Heat kapalit ni Andrew Wiggins.
Sa Denver, nagkadena si Nikola Jokic ng 28 points, 12 assists at 10 rebounds para sa kanyang ika-24 triple-double sa season sa 112-90 paggupo ng Nuggets (33-91) laban sa Orlando Magic (25-28).
Sa Boston, nagsalpak si Klay Thompson ng 25 points sa 127-120 panalo ng Mavericks (27-25) kontra sa nagdedepensang Celtics (36-16).
Sa Inglewood, California, naglista si All-Star forward Pascal Siakam ng 33 points para sa 119-112 panalo ng Indiana Pacers (29-21) sa LA Clippers (28-23).
- Latest