Oranza, Prado bibida sa Pinoy cyclists sa Thailand
MANILA, Philippines — Babanderahan nina Ronald Oranza at Jermyn Prado ang Pinoy cyclists na papadyak sa 44th Asian Road Cycling Championships at 31st Asian Junior Road Cycling Championships na magsisimula ngayon sa Thailand.
Dumating ang 21 cyclists sa Bangkok noong Miyerkules kung saan ay nag check-in sila sa Phitsanulok, suportado ang kanilang kampanya ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino.
Ang ibang kasama nina Cambodia 2023 Southeast Asian Games double bronze medalist Oranza at Philippines 2019 SEA Games gold medalist Prado ay sina junior riders Kent Steven Zambrano ng Sultan Kudarat, Roy Benedict Plastina ng Makati City, Mary Gwennielle Francisco ng Quezon City at Jazmine Kaye Vinoya ng Pangasinan at pambato ng Baguio City na nagwagi sa kanilang events sa Batang Pinoy Nationals noong Disyembre sa Puerto Princesa City.
Unang pagkakataon ng PhilCycling na magpadala ng junior riders mula sa Batang Pinoy.
Kabilang sa team na suportado ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni chairman Richard Bachmann at commissioner in charge cycling Walter Torres ay sina Joshua Pascual, Julius Tudtud, Junrey Navarra, Marcelo Felipe, Steven Nicolas Shane Tablizo, Andrei Dennis Deudor, Jude Gabriel Francisco at Ruzel Agapito sa men’s category.
Sina Phoebe Salazar, Maura Christine March de los Reyes, Maritoni Krog, Kim Syrel Bonilla, Angelica Mae Altamarino, Angela Joy Marie Bermejo at Raven Joy Valdez ang makikipagbakbakan para sa women’s contest para sa Team Cycling Philippines na tinutulungan ng MVP Sports Foundation.
Makikipag-tagisan ng bilis sa padyakan ang Pinoy riders sa team mixed relay, individual time trial at road race events na magtatapos sa Pebrero 17.
- Latest