Zus Coffee tumukod sa Creamline

Hinatawan ni Alyssa Valdez ng Creamline si Jovelyn Gonzaga ng ZUS Coffee.
PVL photo

MANILA, Philippines — Hindi inasahan ng nagdedepensang Creamline na lalaban nang sabayan ang ZUS Coffee.

Ngunit sa huli ay nanaig ang eksperyensa ng Cool Smashers para takasan ang Thunderbelles, 25-22, 28-30, 26-24, 17-25, 15-13, sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena.

Humataw sina Alyssa Valdez at Bernadeth Pons ng tig-17 points para akayin ang Creamline sa ikaapat na sunod na panalo at saluhan ang Cignal HD sa liderato.

Nag-ambag si Jema Galanza ng 15 markers  habang may 14 points si Michele Gumabao.

“Even sa practice may mga instances na ganito eh. Kahit sa mga practice nate-train na rin namin iyong mental toughness namin,” wika ni Valdez sa hindi pagbigay sa pressure ng defending champion sa fifth set.

“I was just really enjo­ying the game. ZUS Coffee gave us a real hard time today, but we’re happy to get the win,” dagdag nito.

Bagsak ang Thunderbelles sa 2-3 at nakahugot kay Kate Santiago ng 19 points mula sa 13 attacks, 5 blocks at 1 service ace.

May 15 at 13 markers sina Thea Gagate at Chay Troncoso para sa ZUS.

Nakabalik ang Thunderbelles sa 22-24 matapos ibaon ng Creamline sa 19-10 sa first set.

Subalit ang crosscourt attack ni Gumabao ang nagbigay sa Cool Sma­shers ng 1-0 abante bago nakatabla ang Thunderbelles sa second frame.

Bumida si Pons sa third set para itawid ang Creamline sa 26-24 hanggang makabalik ang ZUS Coffee sa fourth frame para makahirit ng deciding fifth set.

Show comments