Petro Gazz target ang solo 3rd spot
MANILA, Philippines — Ang ikatlong sunod na panalo ang hangad ng Petro Gazz, habang pilit namang babangon mula sa unang kabiguan ang PLDT Home Fibr sa sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Maghaharap ang Gazz Angels at High Speed Hitters ngayong alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sa ikalawang laro sa alas-6:30 ng gabi ay magtutuos ang umaangat na Chery Tiggo Crossovers at bumubulusok na Akari Chargers.
Humataw ang Petro Gazz (3-1) ng 28-26, 29-27, 25-18 pagwalis sa Akari (2-3), habang nakalasap ang PLDT (3-1) ng 12-25, 23-25, 25-20, 22-25 kabiguan sa Chery Tiggo (3-1).
Solo ng Cignal HD (4-0) ang liderato kasunod ang nagdedepensang Creamline (3-0).
Humataw si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 19 points at may 15 markers si Myla Pablo sa panalo ng Gazz Angels sa Chargers.
“Coming off our rest, we haven’t played in a while so to be able to come out and stay focused in those tight matches was awesome,” sabi ng reigning All-Filipino Conference MVP na si Van Sickle.
Muling makakatuwang nina Van Sickle at Pablo sina Jonah Sabete, Aiza Pontillas, Remy Palma at Djanel Cheng kontra kina Fil-Canadian Savi Davison, Erika Santos, Fiola Ceballos, Dell Palomata at Majoy Baron ng High Speed Hitters.
Sa ikalawang laban, puntirya ng Chery Tiggo ang ikatlong dikit na ratsada sa pagharap sa Akari na nahulog sa dalawang sunod na kamalasan.
- Latest