Laure lalaro na sa Nxled?

MANILA, Philippines — Posible na bang gawin ni EJ Laure ang kanyang debut para sa Nxled?

Mag-uunahan ang Chameleons at Capital1 Solar Spikers sa pagsampa sa win column sa 2024-24 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Confe­rence sa Philsports Arena sa Pasig City.

Nakatakda ang salpukan ng Nxled at Capital1 ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Akari at Farm Fresh sa alas-6:30 ng gabi.

Parehong may 0-3 baraha ang Chameleons at Solar Spikers kasunod ang Galeries Tower Highrisers (0-4) sa ilalim ng team standings.

Nagmula ang Nxled sa 24-26, 15-25, 18-25 pagyukod sa Chery Tiggo (2-1) kung saan hindi pa naglaro si Laure matapos makuha mula sa Crossovers.

“Dati noong nasa Chery pa lang, parang nagre-recover pa rin talaga ako. So ngayon naman, naka­kabola na ako,” ani Laure.

Nakalasap naman ang Capital1 ng 17-25, 20-25, 17-25 kabiguan sa PLDT Home Fibr (3-0) sa kanilang mga huling laro.

Muling babanderahan nina Lycha Ebon, May Luna, Krich Macaslang, Chiara Permentilla at Lucille Almonte ang Chameleons katapat sina Des Clemente, Leila Cruz, Iris Tolenada, Heather Guino-O at Jorelle Singh ng Solar Spikers.

Sa ikalawang laro, ba­bangon din mula sa ka­biguan ang Akari (2-1) at Farm Fresh (0-2).

Nakatikim ang Chargers ng 24-26, 17-25, 16-25 pagkatalo sa nagdedepensang Creamline Cool Smashers (2-0) at nanggaling ang Foxies sa 21-25, 17-25, 19-15 pagbagsak sa Petro Gazz Angels (2-1).

 

Show comments