MANILA, Philippines — Hinataw ng Petro Gazz ang kanilang ika-2 panalo matapos hiyain ang Farm Fresh, 25-21,25-17, 25-9 sa unang out-of-town ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Cardon Arena sa Candon City.
Binanderahan ni Fil-Am Brooke Van Sickle ang opensa ng Petro Gazz katuwang si Myla Pablo na sumalo sa naiwang trabaho ni injured Jonah Sabete.
Ito naman ang ikatlong pagkakataon na hindi naglaro si Fil-Am middle blocker MJ Phillips dahil sa kanyang left foot injury.
Pumalo si Van Sickle ng 20 points mula sa 19 attacks at isang service ace habang nagdagdag si Pablo ng 11 markers at may 10 points si Aiza Pontillas para sa 2-1 record ng Gazz Angels.
“We just worked on our good defense. And we never let it go until the end,” ani Van Sickle.
Pinamunuan ni Trisha Tubu ang Farm Fresh sa kanyang 14 points.
Laglag ang Foxies sa 0-2 baraha.
Sa kabila ng hindi paglalaro nina injured Jonah Sabete at MJ Phillips ay nagawa pa ring manalo ng Petro Gazz na nagmula sa straight set loss sa nagdedepensang Creamline noong Nobyembre 16.