Batang Pier tinapos ang kamalasan
MANILA, Philippines — Pinigilan ng NorthPort ang dalawang dikit na kamalasan matapos patumbahin ang Terrafirma, 133-107, sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Kumolekta si Arvin Tolentino ng triple-double na 23 points, 11 rebounds at 10 assists para igiya ang Batang Pier sa 3-3 record sa Group A.
Bumulusok ang Dyip sa pang-anim na sunod na kamalasan.
“Of course, credit din to my teammates and to my coaches,” ani Tolentino na nauna nang kumamada ng career-high 51 points. “Getting a triple-double, hindi lang naman isang tao lang eh or isang player lang.”
Umiskor si import Venky Jois ng game-high 26 markers at may 18, 15 at 12 points sina Will Navarro, Cade Flores at Jio Jalalon, ayon sa pagkakasunod.
Nauna nang binigo ng NorthPort ang Terrafirma, 112-93, sa una nilang pagkikita sa first round noong Agosto 23.
Maagang lumamang ang Batang Pier sa 30-8 sa first period hanggang magposte ng isang 28-point lead sa third period.
Nagawa itong putulin ng Dyip sa 15-point deficit sa pamumuno ni Christian Standhardinger bago muling maiwanan sa pagtatapos ng nasabing yugto, 96-75.
Pagdating sa fourth quarter ay muling nakalapit ang Terrafirma sa 96-109 sa 7:04 minuto nito, ngunit isang 16-5 bomba ang inihulog ng NorthPort para ilista ang 125-101 bentahe sa huling 2:30 minuto.
- Latest