Alas Men sasagupa sa Vietnam sa SEA V. League
MANILA, Philippines — Sisimulan ng Alas Pilipinas Men ang first leg ng 2024 Southeast Asia (SEA) V. League men’s tournament sa pagsagupa sa Vietnam sa Ninoy Aquino Stadium.
Lalabanan ng mga Pinoy spikers ang mga Vietnamese ngayong alas-6 ng gabi matapos ang laro ng reigning champion Indonesia at Thailand sa alas-3 ng hapon.
Nauna nang hinataw ng Alas Pilipinas women’s ang back-to-back bronze medal finishes sa two-leg SEA V.League women’s tournament na idinaos sa Vietnam at Thailand.
Ito ang pilit na tutumbasan kundi man ay lalampasan ng national men’s team na hahawakan ni Italian coach Angiolino Frigoni.
Pormal na iniluklok ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na pinamumunuan ni president Ramon “Tats” Suzara ang 70-anyos na si Frigoni mula sa rekomendasyon ng International Volleyball Federation, or FIVB.
Si Frigoni ang humawak sa Italy women’s team sa 1992 Barcelona at sa 2000 Sydney Olympic Games.
Gagamitin ng Alas Pilipinas ang SEA V. League bilang preparasyon sa makasaysayang solo hosting ng 2025 FIVB Men’s Volleyball World Championship sa Setyembre.
Pamumunuan ni ace hitter Bryan Bagunas ang tropa kasama sina UAAP MVP Josh Ybañez, Vince Patrick Lorenzo, Jade Lex Disquitado, Kim Malabunga, Noel Kampton, Gabriel Casaña, Ave Joshua Retamar, Rwenzmel Taguibolos, Leo Ordiales, Jenngerard Diao, Lloyd Josafat, Louie Ramirez at Michaelo Buddin.
- Latest