Meralco vs Magnolia sa PBA Govs’ Cup opener
MANILA, Philippines — Sisimulan ng Meralco ang kanilang hangad na back-to-back championship sa pagsagupa sa Magnolia sa pagbubukas ng PBA 49th Season Governors’ Cup sa Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Ang salpukan ng Bolts, nagkampeon sa nakaraang Season 48 Philippine Cup, at Hotshots sa alas-7:30 ng gabi ang tanging laro sa season-opening tournament kung saan idaraos ang 48th Season Leo Awards sa alas-4 ng hapon.
Muling ipaparada ng Meralco si resident import Allen Durham, naghatid sa kanila sa apat na PBA Finals appearances, habang ibabandera ng Magnolia si dating NBA player Glenn Robinson III.
Sa Martes ay sasalang ang Rain or Shine at Blackwater sa alas-5 ng hapon kasunod ang banatan ng nagdedepensang TNT Tropang Giga at NorthPort sa alas-7:30 ng gabi sa Big Dome.
Isasabak ng Tropang Giga si dating NBA guard Rondae Hollis-Jefferson na papalit kay Darius Days na nauna nilang kinuhang reinforcement.
Si Hollis-Jefferson at ang TNT ang tumalo kay Justin Brownlee at sa Barangay Ginebra para sa korona ng nakaraang PBA Governors’ Cup.
Para sa bagong tournament format, hahatiin ang 12 teams sa dalawang grupo.
Ang Group A ay binubuo ng Tropang Giga, Bolts, Hotshots, FiberXers, Dyip at Batang Pier, habang nasa Group B ang Gin Kings, Beermen, Elasto Painters, Fuel Masters, Road Warriors at Bossing.
Ang top four teams sa bawat grupo ang aabante sa crossover best-of-five quarterfinal round patungo sa best-of-seven semifinals showdown at best-of-seven championship series.
- Latest