Czech rep. kakasa sa Puerto Rico sa finals

MANILA, Philippines — Ang Czech Republic at Puerto Rico ang magtutuos para sa gold medal ng 2024 FIVB Women’s Challenger Cup.
Ito ay matapos walisin ng mas matatangkad na Czech Republic ang maliliit na Vietnam, 25-19, 25-14, 25-19, sa knockout semifinals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Maghaharap ang mga Czechs at Puerto Ricans sa finals ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang upakan ng mga Vietnamese at Belgians sa alas-3 ng hapon para sa bronze medal.
Ang mananalo sa pagitan ng Czech Republic at Puerto Rico ang sisikwat sa tiket para sa 2025 Volleyball Nations League.
Pumalo si Gabriela Orvosova ng 17 points para pangunahan ang mga Czechs kasunod ang 13 markers ni Helena Havelkova.
Ginamit ng Czech Republic ang kanilang height advantage para sa 46 hits kumpara sa 31 ng Vietnam bukod sa malaking 13 blocks laban sa dalawa ng huli.
Sa unang laro, sinibak ng Puerto Rico ang top seeded Belgium, 25-19, 25-15, 25-16, sa kanilang knockout semifinals duel.
Bumanat si Lefty Paola Santiago ng team-high 13 points mula sa 12 attacks at isang service ace para sa unang finals appearance ng mga Puerto Ricans matapos ang bronze medal finishes noong 2018 at 2022.
Nag-ambag si Grace Lopez ng 10 markers.
- Latest