MANILA, Philippines — Magkakaroon ng bagong liga na paniguradong mailalabas ang mga talento pagnai-ayos na ito ng Perlas ng Silangan Basketball League (PSBL) sa Hulyo 24 sa Smart Araneta Coliseum.
Tututok ang LGU-based league sa mga kabataan, hindi lang sa basketball maging ang pagdevelop ng kanilang life skills sa lahat ng kasali sa kategoryang tulad ng Under-11, Under-13, Under-15, Under-17, Under-19 at Under-21.
“This is a new developmental league that will cover at least seven regions. And ang kaibahan is that kami ang lalapit sa mga kabataan. We will create a platform and reach out to everyone,” ani league founder Christian Ensomo sa naganap na Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Rizal Memorial Sports Complex kamakalawa.
Ayon kay Ensomo, kumpirmadong sasali ang teams mula Bulacan, Caloocan, Quezon City, Manila, Parañaque at Taytay sa Rizal.
Ilalaro ang NCR leg sa Amoranto Stadium sa Quezon City at San Andres Gym sa Manila, pakay din ng liga na mapuntahan ang Cordillera Region, Bicol, Cebu, Davao at Cagayan de Oro.