PHILADELPHIA - Ipinasok ni Josh Hart ang isang go-ahead three-pointer sa huling 24.4 segundo para igiya ang New York Knicks sa 118-115 pagpapatalsik sa 76ers sa Game Six papasok sa Eastern Conference semifinal round.
Tumapos si Hart na may 16 points, habang kumamada si Jalen Brunson ng 41 points at 12 assists para itiklop ng New York sa 4-2 ang kanilang first-round playoff series ng Philadelphia.
Sasagupain ng Knicks sa Eastern Conference semis series ang Indiana Pacers na dinispatsa ang Milwaukee Bucks, 4-2.
Nakatakda ang Game One sa Martes sa New York.
Humakot si Joel Embiid ng 39 points at 13 rebounds para sa 76ers, habang may 20 at 17 markers sina Buddy Hield at Tyrese Maxey, ayon sa pagkakasunod.
Kinuha ng Knicks ang 22-point lead sa first period bago agawin ng 76ers ang 54-51 halftime break hanggang magtabla ag dalawang tropa sa 111-111.
Ang triple ni Hart ang nagbigay sa New York ng 114-111 abante sa huling 24.4 segundo.
Sa Indianapolis, umiskor si Obi Toppin ng 21 points at may 20 markers si T.J. McConnell sa 120-98 pagsibak ng Pacers sa Bucks sa Game Six para tapusin ang kanilang first-round series sa 4-2.
Kumolekta si Tyrese Haliburton ng 17 points, 10 assists at 6 rebounds para sa Indiana, habang may 19 markers si Pascal Siakam.
Nagbalik sa aksyon si Damian Lillard mula sa isang strained right Achilles tendon injury at umiskor ng 28 points sa panig ng Milwaukee.
Nag-ambag naman sina Bobby Portis Jr. at Brook Lopez ng tig-20 markers at tumipa si Khris Middleton ng 14 points at 8 rebounds.