BANGKOK, Thailand - Binanderahan ni reigning Southeast Asian Games king Eric Shauwn Cray ang men’s 400-meter hurdles heat 2 papasok sa semifinals ng 25th Asian Athletics Championships kahapon dito sa Supachalasai National Stadium.
Nagposte ang 34-anyos na Fil-Am ng 50.39 segundo para pamunuan ang heat 2 patungo sa semis na inilarga kagabi.
Iniwanan niya sa grupo sina Chinese Xie Zhiyu (50.47) at Lebanese Marc Anthony Ibrahim (51.59)
“I just did what I wanted to do and be ready for my next run. It was just the same routine, early warm up and prepare myself mentally,” wika ng San Antonio, Texas resident. “As much as I want to, I need to conserve my energy and give it all later.”
Kailangan ni Cray na makuha ang Olympic qualifying mark standard na 48.70 segundo para makasikwat ng tiket sa 2024 Paris Games.
Target din ni SEA Games gold winner Janry Ubas ang qualifying berth sa Paris Olympics sa pagsabak niya sa men’s long jump final ngayong hapon.
Lulundag naman bukas si World No. 3 pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena.
Ang 6-foot-2 na si Obiena ang unang Pinoy athlete na nakapitas ng Olympic berth matapos makuha ang qualifying standard mark na 5.82 meters sa Bauhaus-Galan tournament sa Stockholm, Sweden noong Hulyo 4.