17-anyos na bowler gumawa ng kasaysayan

Si Singapore International Open champion Zach Sales Ramin kasama si PSC Commissio­ner at bowling legend Olivia “Bong” Coo.
STAR/File

MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon ay isang Pinoy bowler ang naghari sa prestihiyosong Singapore International Open.

Nagpagulong si Zach Ramin ng 189-183 at 229-212 para talunin si top seed Yannaphon Larpapharat ng Thailand sa men’s division ng ika-53 edisyon ng torneo.

Ang 17-anyos na mi­yembro ng national youth training pool ang unang Pinoy bowler na nagkampeon sa Singapore Open matapos noong 1965.

Dalawang beses pi­nag­reynahan ni Philippine Sports Commissioner at bowling legend Olivia “Bong” Coo ang women’s class ng Singapore International Open noong 1972 at 1973  habang nagwagi sina Cecile Yap at Liza Del Rosario noong 2000 at 2004, ayon sa pagkakasunod.

Personal na pinanood ng 75-anyos na si Coo ang nasabing tagumpay ni Ramin na ang mga magu­lang ay nagtatrabaho sa Singapore.

Nagmula si Ramin sa 208-199 upset victory laban kay defending cham­pion Kim Bolleby ng Sweden sa semifinals bago gulatin si Larpapharat, ang 2014 Asian Games champion, sa finals.

Bukod sa tropeo ay tumanggap din ang Grade 12 student ng Anglo Chinese School Independent sa Singapore ng premyong $25,000.

Show comments