17-anyos na bowler gumawa ng kasaysayan
MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon ay isang Pinoy bowler ang naghari sa prestihiyosong Singapore International Open.
Nagpagulong si Zach Ramin ng 189-183 at 229-212 para talunin si top seed Yannaphon Larpapharat ng Thailand sa men’s division ng ika-53 edisyon ng torneo.
Ang 17-anyos na miyembro ng national youth training pool ang unang Pinoy bowler na nagkampeon sa Singapore Open matapos noong 1965.
Dalawang beses pinagreynahan ni Philippine Sports Commissioner at bowling legend Olivia “Bong” Coo ang women’s class ng Singapore International Open noong 1972 at 1973 habang nagwagi sina Cecile Yap at Liza Del Rosario noong 2000 at 2004, ayon sa pagkakasunod.
Personal na pinanood ng 75-anyos na si Coo ang nasabing tagumpay ni Ramin na ang mga magulang ay nagtatrabaho sa Singapore.
Nagmula si Ramin sa 208-199 upset victory laban kay defending champion Kim Bolleby ng Sweden sa semifinals bago gulatin si Larpapharat, ang 2014 Asian Games champion, sa finals.
Bukod sa tropeo ay tumanggap din ang Grade 12 student ng Anglo Chinese School Independent sa Singapore ng premyong $25,000.
- Latest