MANILA, Philippines — Hitik man sa tropeo ang kanyang karera sa basketball, ang gintong medalya sa Southeast Asian Games na marahil ang pinakamatamis para kay kabayan Justin Brownlee.
“Man, I gotta put this at the top,” ngiti ni Brownlee matapos trangkuhan ang pagbabalik ng Pilipinas sa trono ng regional biennial meet matapos ang 80-69 panalo kontra sa host at pinalakas na Cambodia.
Bagama’t ispesyal din ang paglalaro sa crowd darling ng bansa na Barangay Ginebra sa PBA bilang resident import simula pa noong 2016, walang kaparis aniya ang paglalaro para sa itinuturing na niyang tahanan ngayon bilang naturalized player ng bansa.
Kumamada si Brownlee ng 23 puntos, 7 rebounds at 4 assists sa panalo ng Gilas kontra sa Cambodia halos isang araw lang matapos magliyab sa 34 puntos sa 84-76 panalo kontra sa dating kampeon na Indonesia sa semifinals.
Dahil sa kabayanihan ni Brownlee, naiganti ng Gilas ang 79-68 pagkatalo sa Cambodia sa elims pati na ang 85-81 kabiguan ng Gilas noong nakaraang edisyon sa Vietnam kontra sa Indonesia upang isuko ang korona.