Gin Kings nakauna sa Beermen sa serye
TNT Tropang Giga pinabagsak naman ang Bolts
MANILA, Philippines — Sapat na ang pagsama ni LA Tenorio sa coaching staff ng Barangay Ginebra para maging inspirasyon nina Christian Standhardinger, Jamie Malonzo at import Justin Brownlee.
Humakot si Standhardinger ng 33 points, 10 rebounds at 5 assists at may pinagsamang 51 markers sina Malonzo at Brownlee sa 121-112 paggiba ng Gin Kings sa San Miguel Beermen sa Game One ng 2023 PBA Governors’ Cup semifinals series kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Habang lumalaban sa Stage 3 colon cancer ay pansamantalang naupo si Tenorio sa bench.
“It’s a great honor that he is with us and doing things he wants to do while he’s doing the things he needs to do,” ani coach Tim Cone sa kanilang team captain. “So I feel honored that he’s spending this time with us.”
Pinamunuan ni import Cameron Clark ang San Miguel sa kanyang 26 points, habang may 23 at 20 markers sina CJ Perez at Marcio Lassiter, ayon sa pagkakasunod.
Itinayo ng Gin Kings ang 21-point lead, 90-69, mula sa layup ni Scottie Thompson sa 3:24 minuto ng third period.
Ngunit hindi bumitaw ang Beermen at nakadikit sa 103-109 galing sa salaksak ni Perez sa 3:51 minuto ng fourth quarter.
Isang maikling 8-0 atake buhat sa dalawang tres ni Malonzo at floater ni Brownlee ang muling naglayo sa Ginebra sa 117-106 sa huling 1:48 minuto.
Sa ikalawang laro, nagmistulang ensayo ang 110-80 pagpapatumba ng TNT Tropang Giga sa Meralco sa kanilang series opener.
Tumipa si import Rondae Hollis-Jefferson ng triple-double na 22 points, 13 boards at 12 assists.
- Latest