MANILA, Philippines — Mula sa matagumpay na pagbabalik ng Batang Pinoy National Championships sa Vigan, Ilocos Sur ay kumpiyansa si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Noli Eala sa pagsasagawa ng kanilang mga programa sa taong 2023.
Higit sa 6,000 delegado mula sa 140 cities at municipalities ang lumahok sa 17 sports na idinaos via face-to-face at virtual competitions.
Hinirang na overall champion ang Baguio City sa ikatlong sunod na edisyon ng PSC-Batang Pinoy National Finals.
Bago ito ay hindi nag-aksaya ng oras si Eala matapos iluklok ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. bilang PSC chairman.
Nagdaos si Eala ng isang PSC-NSA consultative meeting kung saa niya nakausap ang mga opisyales ng 68 mula sa 74 national sports associations (NSAs) noong Oktubre 13.
Pinahalagahan ni Eala ang respeto sa pagitan ng PSC at mga NSAs at ang pagiging responsable sa paghawak ng mga ito ng pondo mula sa pamahalaan.
“We will establish a pathway to success beginning with the “Duyan ng Magiting” or the “Cradle of the Brave” at the grassroots level leading to the tweaked version of the Gintong Alay which we will call Project: Gintong Laban which is to be implemented at the elite level,” ani Eala.
Lalo ring patitibayin ni Eala ang magandang relasyon ng PSC at ng Philippine Olympic Committee (POC).