MANILA, Philippines — Isa ang boxing sa anim na National Sports Associations (NSAs) na gusto nang magbukas ng kani-kanilang training bubble bilang paghahanda sa mga sasalihang torneo.
Plano ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na gawin ang ensayo ng mga amateur pugs sa Setyembre 20 sa Baguio City.
“We’re hoping na iyong mga Olympian boxers, medalists or not, could return to training by September 20,” sabi ni ABAP secretary general Ed Picson sa Philippine Sports Commission (PSC) Hour.
Hindi tiyak ni Picson kung makakasama sa training bubble sina Tokyo Olympics silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam at bronze medal winner Eumir Felix Marcial.
Ito ay dahil abala pa ang tatlo sa pagtanggap ng kanilang mga cash incentives at individual awards.
Nagpasya na rin ang ABAP na huwag nang lumahok sa 2021 AIBA World Championships na nakatakda sa Oktubre 24 sa Belgrade, Serbia dahil hindi makakasama sa tropa sina Petecio, Paalam at Marcial.
Bukod sa boxing, ang iba pang NSAs na hihingi ng approval sa PSC para payagan ang kanilang training bubble ay ang karate, canoe kayak, archery, kickboxing at muay thai.
Nakakuha na ng ‘go signal’ sa PSC ang fencing team para sa kanilang training bubble sa Setyembre 18 hanggang Disyembre 5 sa Ormoc City.
Pinaghahandaan ng mga NSAs ang pagsabak sa 2022 Southeast Asia Games sa Hanoi, Vietnam at sa Asian Games sa Hangzhou, China.