MANILA, Philippines — Gigil na si eight-division world champion Manny Pacquiao na mahigit isang taon nang hindi nakakatungtong sa ring.
Sa kanyang panibagong post sa social media, inilabas ni Pacquiao ang bagsik nito na tila paramdam na handa nang sumabak anumang oras.
“I’m in the mood to fight,” ayon sa post ni Pacquiao sa kanyang Twitter account na may 2.6 million followers.
Kaya naman kaliwa’t kanan na ang komento ng mga boxing fans sa kanyang post na may kalakip pang larawan.
Huling nasilayan si Pacquiao sa aksyon noong Hulyo 2019 nang talunin nito si Keith Thurman para makuha ang World Boxing Association (WBA) welterweight belt.
Ngunit dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic, naudlot ang nakatakda sanang title defense nito noong Hulyo.
Kinumpirma na ni Paradigm Sports CEO at founder Audi Attar sa isang ulat na pinaplantsa na ang pagtutuos nina Pacquiao at Unitimate Fighting Championship superstar Conor McGregor sa susunod na taon.
Makakalaban muna ni McGregor si dating UFC featherweight at lightweight champion Duston Poirier sa Enero 23 bago harapin si Pacquiao sa Middle East.
Nauna nang inihayag ng kampo ni Pacquiao na papayag itong harapin si McGregor kung magiging co-promoter ang kanyang grupo.
Wala pa ring statement si Pacquiao kung magkakaroon muna ito ng title defense bago harapin si McGregor sa 2021.
Kaya naman sa kanyang panibagong post sa social media, iba’t ibang pangalan na ang iniuugnay kay Pacquiao.
Nariyan si WBO welterweight king Terence Crawford para sa unification bout at Errol Spence na nagmamay-ari naman ng World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) crowns.