Racal out na sa Aces dahil sa ACL

Kevin Racal
STAR/ File

MANILA, Philippines  — Nalagasan ang Alaska sa loob ng bubble matapos magtamo ng Anterior Cruciate Ligament (ACL) injury si Kevin Racal sa ginaganap na PBA Season 45 Philippine Cup sa Clark, Pampanga.

Nakuha ito ni Racal sa laro ng Alaska kontra Talk ’N Text noong Linggo kung saan lumasap ng 95-100 kabiguan ang Aces.

Dumedepensa si Racal laban kay TNT veteran Jayson Castro sa ikatlong kanto ng laban.

Ngunit bigla na lamang itong huminto dahil sa pagpitik ng kanyang kanang tuhod.

Lumabas sa resulta ng medical examination na nagtamo ito ng ACL tear na nangangailangan ng operasyon at anim na buwan na rehabilitation period.

“He is doing okay unfortunately, the official results showed that he did suffer a complete ACL, so he’s done with this bubble,” wika ni Alaska head coach Jeff Cariaso.

Hindi na bago ang ACL kay Racal.

Nagtamo na rin ito ng parehong injury — ngunit sa kaliwang tuhod naman — noong naglalaro pa ito para sa Colegio de San Juan de Letran sa NCAA.

Kaya naman umaasa ang pamunuan ng Alaska na mas magiging madali na ang recovery ng 6-foot-3 forward.

Malaking kawalan si Racal sa rotation ng Aces lalo pang nasa ilalim ito ng standings.

Kasalukuyang may 0-2 rekord ang Alaska sa bubble.

Show comments