MANILA, Philippines — Kagaya ng ibang koponan, nagpalakas din ang Val City-Carga Backload Solutions para sa darating na season ng Chooks-to-Go Maharlika Pilipinas Basketball League.
Tinapik ng Val City si Cebuano sniper Patrick Cabahug, huling naglaro para sa Cebu Sharks sa nakaraang Lakan Season, para itambal kay lead gunner Paulo Hubalde.
“Kasi si Paolo lang ‘yung veteran na naiwan eh, so matutulungan nila ‘yung mga bata na pag dating sa experience nila sa basketball medyo malalim na rin silang dalawa ni Paulo,” wika ni Val City team manager Jhon Santos sa 36-anyos na si Cabahug, naglaro para sa Air21 sa PBA at sa Kuala Lumpur Dragons at Hi-Tech Bangkok City sa ABL.
“Silang dalawa ni Paolo, ‘yung experience nila talaga talagang malalim na. So malaking tulong si Patrick,” dagdag ni Santos.
Nagtala ang 6-foot-1 na si Cabahug ng mga averages na 9.1 points, 2.9 rebounds at 2.1 assists sa 18 games para sa Cebu team.
Kinuha rin ng Val City sina 2019 CESAFI Mythical Team member Shane Menina at Tristan Albina ng University of Cebu at Kevin Villafranca.
Nakuha rin ng Val City si dating Rizal-Xentro Mall guard Lordy Casajeros at sina Adamson product Egie Boy Mojica at Rey De Mesa para makauwang nina Jaymar Gimpayan, Jeric Diego, Marlon Kalaw at Hubalde.
Tumapos ang Val City na may 11-19 record sa MPBL North Division.