MANILA, Philippines — Kumana ng matikas na panalo ang tatlong miyembro ng Philippine billiards team upang masikwat ang kani-kanilang silya sa main draw ng prestihiyosong 2019 World 9-Ball Championship kahapon sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Inilabas nina 2004 World 9-Ball champion Alex Pagulayan, Johann Chua at Jeffrey Ignacio ang kanilang husay para samahan ang 29 pang cue masters na nakapasok sa susunod na yugto.
Hindi nakaporma kay Pagulayan si Max Eberle ng Amerika nang irehistro ang 9-3 demolisyon sa Group 10, habang nanaig naman si Chua laban kay Liu Ri Teng ng Chinese-Taipei, 9-3, sa Group 7.
Naitakas naman ni Ignacio ang 9-7 pananaig kay Damianos Giallourakis ng Greece para angkinin ang isa sa apat na silya sa main draw sa Group 12.
Sa kabilag banda, nahulog sa losers’ bracket sina 2017 World 9-Ball titlist Carlo Biado at Jerico Bonus matapos magtamo ng magkaibang kabiguan sa kani-kanilang group stage.
Lumasap si Biado ng 3-9 upset loss kay Enrique Rojas ng Chile sa Group 8, habang yumuko si Bonus kay John Morra ng Canada (7-9) sa Group 1.
Kailangan nina Biado at Bonus na maipanalo ang kanilang huling mga laban para makapasok sa knockout stage ng torneo.
Kailangang maipanalo ni Biado ang kanyang ‘rubber match’ kay Hassan Shahada ng Jordan at titipanin ni Bonus si Bashar Abdulmajeed sa hiwalay na ‘do-or-die’ game sa event na may nakalaang $150,000 premyo kabilang ang $30,000 para sa magkakampeon.
Pasok din sa main draw sina defending champion Joshua Filler ng Germany, Denis Grave ng Estonia, Mieszko Fortunski ng Poland, Ko Pin Yi ng Chinese-Taipei, Liu Haitao ng China, Ralf Souquet ng Germany, Albin Ouschan ng Austria, Shane Van Boening ng Amerika at Chang Yu Lung ng Taipei.